
Noong ika-18 ng Hunyo ay ikalawang araw ng UP Cebu Employee Wellness Program na inorganisa ng Associate in Arts Sports Studies Program ng College of Social Sciences, UP Cebu. Inimbitahan si Rehente ng Kaguruan Early Sol Gadong upang ibahagi ang kaniyang pananaw sa pagtataguyod ng Kaayohan para sa Tanan at ang mga inisyatibang isinusulong ng Opisina ng Rehente ng Kaguruan para sa kapakanan ng mga guro, mananaliksik, at kawani ng Unibersidad.
Bilang panimula, binalikan ni FR Sol ang mga pangunahing kampanya sa ilalim ng Tatak Service-Oriented Leadership, kung saan isinusulong ng kaniyang opisina ang pagiging โChampion of Wellness, Well-being, and Welfare for All.โ Binubuo ito ng anim na haligi: Kabaskog (Visayan: Strength), Amping (Cebuano Bisaya: To Care, take care), Yakat (Hilgaynon: To persuade, invite, attract), Olnos (Kankanaey: To get along well), Himangraw (Waray: Conversation), at Akademikong Kalayaan.
Kabaskog (Visayan: Strength)
Sa ilalim ng Kabaskog, iniulat ni FR Sol ang nauna nang pagpapalawak ng eHOPE, kabilang ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng UP at Cardinal Santos Medical Center. Ibinahagi rin niya ang pagsusulong ng mga programang nagtataguyod ng active mobility, inclusive spaces, at sustainable transportation, kabilang ang panukalang libreng shuttle service para sa mga guro at REPS na nakapaloob sa bagong Collective Negotiation Agreement (CNA) ng All UP Academic Employees Union at ng administrasyon ng UP para sa 2025โ2029.
Tinalakay rin niya ang laban para sa mas mataas na badyet sa edukasyon kung saan nakamit ng UP ang karagdagang โฑ6.78 bilyong badyet ngayong taong 2026, kung kayaโt sa kabuuan ay mayroong โฑ29.47 bilyong pondo ang pamantasan. Isang makasaysayang tagumpay ang dagdag pondong ito bagaman malayo pa rin sa โฑ46.85 bilyong pondong kahingian upang tugunan ang pangangailangan ng Pamantasan. Kaugnay nito, nakikiisa si FR Sol sa UP the Budget Fight Network upang patuloy na igiit ang sapat na pondong maglilingkod sa mga estudyante, guro, kawani, at komunidad.
Amping (Cebuano Bisaya: To Care, take care)
Sa ilalim naman ng Amping, binigyang-diin niya ang pagsusulong ng mas maraming plantilla items, nakabubuhay na sahod, at mas mahusay na mga benepisyo para sa mga guro at kawani. Kabilang sa mga naisulong sa CNA ang hazard pay, pagpapahusay ng mga benepisyong pang-ekonomiya, mas inklusibong compassionate days for bereavement, at pagpapatibay ng mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan. Isinusulong din ang mentoring systems para sa mga junior faculty members at pagpapalawig ng housing benefits upang maging mas inklusibo para sa ibaโt ibang uri ng pamilya tulad ng common-law partners, LGBT partners, at adoptive relations. Magkakaroon din ng Technical Working Group para sa mga usapin ng mga retiradong miyembro ng kaguruan.
Yakat (Hilgaynon: To persuade, invite, attract)
Sa ilalim ng Yakat, ibinahagi ni FR Sol ang mungkahing writing leave o writing load credit para sa mga publikasyong kinakailangan sa tenure at promotion. Isinusulong din ang pagsusuri sa workload, teaching hours, at promotion opportunities upang matiyak ang mas patas na kalagayan para sa lahat ng miyembro ng kaguruan. Ibinahagi niya rin na naibukas na ang usapin ng โstopping the clockโ for substitute faculty, upang higit silang mabigyan ng panahon sa posibleng pag-transition bilang regular faculty.
From left to right: (1) Prof. Marla Frances Mallari, Dean, College of Human Kinetics, UP Diliman; (2) Assoc. Prof. Alberto Dimarucut, Faculty, College of Human Kinetics, UP Diliman; (3) Asst. Prof. Ma. Alena N. Macasil, Director, Office of Student Affairs, UP Cebu; (4) Prof. Gilda Uy – Retired Faculty in Leisure Studies, UP Diliman; (5) Faculty Regent Early Sol Gadong; (6) Asst. Prof. Norberto Madrigal Faculty, College of Human Kinetics, UP Diliman; (7) Julien Musialowski, Movement and Functional Performance Consultant
Olnos (Kankanaey: To get along well)
Sa ilalim naman ng Olnos, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ligtas at inklusibong mga espasyo sa loob ng Unibersidad. Kabilang sa mga hakbang ang pagsusulong ng regular na town hall sessions, gender sensitivity and awareness programs, at pagpapatibay sa pagpapatupad ng mga batas tulad ng Safe Spaces Act. Nagsimula na rin ang mga orientation hinggil sa CNA para sa mga administrador upang mapalakas ang pagtutulungan ng administrasyon at mga unyon sa pagsusulong ng kapakanan ng mga empleyado ng UP.
Himangraw (Waray: Conversation)
Samantala, sa ilalim ng Himangraw, ibinahagi ni FR Sol ang mga isinagawang systemwide dialogues gaya ng Batayan, Kaayohan Summit, at ang oorganisahing Creative Work Summit, gayundin ang mga hakbang upang mapahusay ang mga serbisyong pang-aklatan.ย
Akademikong Kalayaan
Sa usapin naman ng Akademikong Kalayaan, muling pinagtibay niya ang kahalagahan ng pagtatanggol sa akademikong kalayaan sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga kampanyang nagtataguyod nito sa loob at labas ng bansa at ng pagpapatuloy ng pagbuo ng mga Academic Freedom Committees sa UP System at mga CUs.

Ibinahagi rin ni FR Sol ang mga prayoridad na patuloy na isusulong ngayong taon, kabilang ang pagdaraos ng kumperensiya hinggil sa aging at wellness, pagpapalawig pa ng eHOPE upang higit na masaklaw ang mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan, at pagsusulong ng pagkakaroon ng karagdagang psychosocial support personnel sa loob ng Unibersidad.
Matapos ang presentasyon ay nagkaroon ng malayang talakayan kasama ang mga kalahok ng programa. Nakibahagi rin si FR Sol sa fitness testing activities bilang pakikiisa sa layunin ng workshop na paigtingin ang kamalayan sa kalusugan at kagalingan sa lugar ng trabaho.
Sa kabuuan, binigyang-diin ni FR Sol na ang wellness ay hindi lamang usapin ng pisikal na kalusugan o indibidwal na responsibilidad. Kabilang dito ang pagkakaroon ng sapat na suporta, makataong kalagayan sa paggawa, ligtas at inklusibong mga espasyo, makatarungang benepisyo, at akademikong kalayaan. Ito ang diwa ng Kaayohan para sa Tanan โ ang pagsusulong ng holistikong kabutihan, kagalingan, at kapakanan ng lahat ng kawani at kaguruan sa loob ng pamantasan.

