
Kahapon, ika-26 ng Hunyo, nagtapos ang dalawang araw na pangrehiyonal na konsultasyon para sa Southeast Asia Regional Principles on Academic Freedom, na pangunahing inorganisa ng Southeast Asia Coalition on Academic Freedom (SEACAF) katuwang ang UP Center for Education and Development, sa suporta at pakikipagtulungan ng Opisina ng Faculty Regent ng Unibersidad ng Pilipinas, UP Manila Department of Political Science, UP Diliman Department of Political Science, All UP Academic Employees Union, ACT Philippines, at Network in Defense of Historical Truth and Academic Freedom. Layunin ng pagtitipong ito na tipunin ang mga kasapi ng iba’t ibang bahagi ng akademikong komunidad upang sama-samang hubugin ang tunguhin at pagtibayin ang mga prinsipyong magsisilbing batayan sa pagtatanggol at pagsusulong ng akademikong kalayaan sa Timog-Silangang Asya.
Dinaluhan ang konsultasyon ng mga propesor, guro, mananaliksik, kinatawan ng mga unyon sa akademya, mga estudyante at organisasyon ng kabataan, gayundin ng mga delegado mula sa iba’t ibang pamantasan at institusyon ng mas mataas na edukasyon sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Cambodia, at Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga plenaryo at talakayan, ibinahagi ng bawat kalahok ang kanilang mga karanasan, hamon, at mga pananaw hinggil sa kalagayan ng akademikong kalayaan sa kani-kanilang bansa.

Sa unang araw ng konsultasyon, tinalakay ang working draft ng Southeast Asia Regional Principles on Academic Freedom, na nakabatay sa Surabaya Principles on Academic Freedom na unang binuo sa Indonesia noong 2017. Layunin ng balangkas na ito na higit pang palakasin ang proteksyon sa karapatan ng mga iskolar, guro, mananaliksik, estudyante, at iba pang bahagi ng akademikong komunidad sa malayang pagtuturo, pananaliksik, pagpapahayag, at paghahanap ng katotohanan. Pinagyaman din ang burador sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga pinakamahusay na karanasan at mekanismo ng iba’t ibang bansa sa pagtatanggol sa akademikong kalayaan at iba pang kaugnay na karapatang pantao.
Muling pinagtibay ng mga kalahok na ang akademikong kalayaan ay hindi maihihiwalay sa mas malawak na usapin ng karapatang pantao. Ang kakayahang malayang mag-isip, magtanong, magsaliksik, at magpahayag ay mahalagang salik sa paghubog ng mga institusyong pang-edukasyon na nagsisilbi sa mamamayan at sa pagsusulong ng isang demokratiko at makatarungang lipunan.
Sa konteksto ng Unibersidad ng Pilipinas, malinaw ding kinikilala ang kahalagahan ng akademikong kalayaan. Nakasaad sa Seksyon 5 ng UP Charter of 2008 na, “The National University has the right and responsibility to exercise academic freedom.” Kaakibat nito, nananatiling isa sa mga pangunahing adbokasiya ng Opisina ng Faculty Regent ang walang humpay na pagtatanggol at pagpapalawak ng mga espasyong nagbibigay-daan sa malayang pagkatuto, pananaliksik, at kritikal na pag-iisip.

Sa pagbubukas ng ikalawang araw ng konsultasyon, binigyang-diin ni Faculty Regent Early Sol Gadong ang patuloy na kahalagahan ng akademikong kalayaan sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence at iba pang pagbabagong kinakaharap ng mga pamantasan. Aniya, “Academic freedom facilitates the conditions for meaningful inquiry, open dialogue, and the pursuit of knowledge in the service of the people.”
Dagdag pa niya, hindi lamang mga banta sa loob ng akademya ang dapat tugunan kundi maging ang mga krisis na kinahaharap ng lipunan tulad ng digmaan, lumalalang hindi pagkakapantay-pantay, krisis sa klima, at mga mapaniil na pamahalaan. Sa ganitong kalagayan, higit na mahalaga ang pangangalaga sa akademikong kalayaan upang makapaglinang ng mga mamamayang kritikal, mulat, at aktibong nakikilahok sa pagharap sa mga suliranin ng lipunan.

Binigyang-diin din ni FR Sol na bagama’t mahalaga ang mga polisiyang binubuo upang maprotektahan ang akademikong komunidad, hindi sapat ang mga ito kung walang patuloy na sama-samang pagkilos. Aniya, ang akademikong kalayaan ay hindi lamang ipinagkakaloob ng mga institusyon kundi isang karapatang patuloy na ipinaglalaban at ipinagtatanggol. Inalala rin niya ang mga kasamahan at kapwa akademikong nag-alay ng kanilang buhay at kalayaan sa pagtatanggol sa prinsipyong ito. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, hinikayat niya ang lahat na gawing kolektibong paninindigan ang pagsusulong ng Southeast Asia Regional Principles on Academic Freedom upang manatiling buhay ang mga kalayaang nagbibigay-daan sa kritikal na pag-iisip, demokratikong pakikilahok, at panlipunang katarungan para sa susunod pang mga henerasyon.

Bagama’t nagtapos na ang pagtitipon, nananatiling buhay ang proseso ng paglinang sa Southeast Asia Regional Principles on Academic Freedom. Bilang isang buhay na dokumento, ipinangako ng mga miyembro ng SEACAF na patuloy itong lilinangin at iaangkop sa nagbabagong kalagayan ng rehiyon at ng akademya. Nagkaisa rin ang mga kalahok na ipagpatuloy ang mga talakayan at maglunsad ng mga kaukulang inisyatiba sa kani-kanilang mga institusyon upang higit pang mapatatag ang pagtatanggol sa akademikong kalayaan sa Timog-Silangang Asya.
#DefendAcademicFreedom








































