Office of the Faculty Regent

Sahod at Dignidad: Tunay na Pagkilala sa Manggagawa

Nitong nakaraang paggunita ng Mayo Uno, nakiisa ang Opisina ng Faculty Regent (OFR) sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa. Sa sektor ng edukasyon, hindi sapat ang tokenistikong pasasalamat sa mga guro, kawani, mananaliksik, guwardiya, at mga custodian na silang sumasalo ng bigat ng responsibilidad sa paghubog ng mga kritikal at mapanuring kabataan. Sa harap ng tumitinding krisis pang-ekonomiya, ang tunay na pagkilala sa serbisyo ng mga kaguruan at mga kawani ay dapat kumikilala rin sa kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod, dignidad, at kaginhawaan.

Photo By: All U.P. Academic Employees Union

Nitong ika-30 ng Abril, nagpasa ng petisyon ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na hinihinging gawing Php 50,000 ang entry-level salary ng pampubliko at pribadong mga guro, gayundin na gawing P36,000 ang basic pay para sa Salary Grade 1. Nakatanggap ito ng 50,000 na pirma mula sa mga guro sa iba’t ibang parte ng bansa. Ang petisyon na ito ay bunga ng datos na siyam sa sampung guro ay tumatanggap ng mas mababang sahod sa family living wage na Php 1,200 kung kaya napipilitan ang mga guro na gamitin ang sariling pera o hindi kaya naman ay umutang para sa pangangailangan sa klasrum. Bukod sa mababang sahod ay lalong pinabibigat ng mga top-down na polisiya ang trabaho ng kaguruan.

Ayon kay Rep. Tinio, ikinadidismaya ang malinaw na “top-down” na pamamaraan ng paggawa ng polisiya ng administrasyon at ng Department of Education sa pagpapatupad ng malalaking pagbabago sa school calendar nang walang makabuluhang konsultasyon sa mga guro na siyang direktang nagpapatupad nito sa silid-aralan. Repleksyon ito ng mas malalim na problema ng sentralisadong pagpapasya na hindi isinasaalang-alang ang aktuwal na kalagayan sa mga paaralan.

Photo By: All U.P. Academic Employees Union

Sa gitna ng nagpapatuloy na mga rebisyon sa K to 10 at sa kurikulum ng Senior High School, ang ganitong biglaang pagbabago ay nagiging panibagong disrupsyon sa sistema ng edukasyon na inaasahang papasanin ng mga guro at ipapataw sa mga mag-aaral nang walang sapat na paghahanda, malinaw na transisyon, at kinakailangang rekurso. Sa halip na magsilbing tugon sa mga umiiral na suliranin, lalo lamang nitong pinapalala ang kalituhan at kawalang-katiyakan sa loob ng akademikong taon.

Sa kasalukuyan pa lamang, malinaw nang nadaragdagan ang pasaning administratibo at akademiko ng mga guro: mula sa muling pagdidisenyo at pag-aangkop ng mga leksyon, hanggang sa pagtugon sa panibagong hanay ng mga burukratikong rekisito upang umayon sa pabagu-bagong polisiya. Ang oras at lakas na dapat sana’y nakatuon sa pagtuturo at paghubog sa mga mag-aaral ay nauubos sa paghabol sa mga pagbabagong hindi naman nila hiniling.

Naninindigan ang OFR na ang ganitong pabago-bagong kurikulum na hindi dumaan sa sapat at makabuluhang konsultasyon ay hindi lamang dagdag-pahirap sa mga guro, kun’di tahasang nagpapakita ng pagsasawalang-bahala sa kanilang propesyonal na kaalaman at karanasan. Higit pa rito, nilalabag nito ang karapatan ng mga mag-aaral sa isang makabayan, siyentipiko, at dekalidad na edukasyon na nakabatay sa pangmatagalang pagpaplano, sapat na suporta, at demokratikong partisipasyon ng lahat ng sektor na apektado ng mga ipinapanukalang pagbabago.

Photo By: All U.P. Academic Employees Union

Sa antas kolehiyo, malinaw din ang sunod-sunod na neoliberal na atake sektor ng edukasyon. Mariing tinututulan ng OFR ang nakabinbing “Reframed General Education Curriculum Component” ng Commission on Higher Education (CHED), na naglalayong bawasan ang 36 GE units tungo sa 18–21 units upang umayon sa lohika ng merkado. Sa balangkas na ito, itinuturing na “redundant” ang mga kursong tulad ng Kasaysayan, Sining, at Pilosopiya—mga larangang pundamental sa paghubog ng kritikal at mapanuring mamamayan. Sistematikong pagpapatuloy ito ng naunang pag-atake sa GE, gaya ng pagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang core subjects noong 2018.

Ang ibanabanderang repormang “pagpapahusay” ng kurikulum ay malinaw na tumatalima sa neoliberal na pagsasaayos ng edukasyon kung saan sistematikong pinaliliit ang espasyo ng humanidades at agham panlipunan upang bigyang-daan ang produksiyon ng mas “market-ready” na lakas-paggawa. Sa halip na itaguyod ang pagbuo ng ganap na indibidwal, unti-unting tinatanggal ang mga kursong humuhubog sa kakayahang magtanong, mag-isip nang malalim, umunawa sa kasaysayan at lipunan, magbigay ng kritika, at makipag-ugnayan nang may malasakit sa kapwa.

Sa huli, hindi lamang mga estudyante ang apektado. Kaakibat ng pagbawas ng GE units ang direktang banta sa trabaho ng mga guro sa humanities at social sciences, na malinaw na nagpapakita na ang ganitong mga reporma ay hindi lamang usapin ng kurikulum kun’di isang tuwirang pag-atake sa layunin ng edukasyon at sa mga sektor na bumubuo nito.

Bukod dito, patuloy na dinaranas ng mga gurong makabayan ang laganap na red-tagging at iba’t ibang anyo ng sistematikong pag-atake. Iginiit ng OFR na ang edukasyon ay esensyal sa paghubog ng mga kritikal at progresibong indibidwal na inihahandang manilbihan sa pagpapaunlad ng bansa. Imbes na limitahan ang espasyo ng kalayaang pang-akademiko, nararapat itong palakasin at protektahan ng estado bilang pagkilala sa karapatang pantao ng mga guro at mag-aaral. Mahalaga ito upang matiyak ang isang ligtas at malayang espasyo sa edukasyon mula sa banta ng pribatisasyon, neoliberalisasyon, red-tagging, at militarisasyon.

Photo By: All U.P. Academic Employees Union

Sa loob ng pamantasan ng Unibersidad ng Pilipinas, ipinatatambol din ng OFR ang panawagan na promosyon, dagdag na plantilla items, at regularisasyon para sa lahat. Sa kasalukuyan, talamak ang kontraktuwalisasyon sa pamantasan kung saan tinatayang dalawa sa kada limang kawani o 40% ng kabuuang empleyado sa UP Diliman ay mga Job Order at Contract of Service (JO/COS). Pinalalala ng kontraktuwalisasyon ang kondisyon sa empleyo at paggawa ng mga manggagawang kontraktuwal, tinatanggalan sila ng karapatang mag-unyon at protektahan ang sarili, at sinasadlak sa paulit-ulit na pangamba dulot ng end-of-contract.

Kaugnay nito, isinusulong din ang makatarungang pagtutumbas ng bilang ng teaching units sa Physical Education (PE) classes sa buong UP System. Ipinunto ng mga guro sa PE na sa kasalukuyan, 1.33 teaching units lamang ang katumbas ng dalawang oras ng pagtuturo ng PE courses. Kaisa ang OFR sa panawagang 1:1 na pagtutumbas ng oras at teaching units para sa mga guro sa PE.

Ngayong taon, ginugunita rin ang ika-sampung taon mula nang matupok ng apoy ang Faculty Center ng Kolehiyo ng Arte at Literatura. Hindi makatarungan at simbolo ng pagpapabaya na sampung taon na ang lumipas at hanggang ngayon ay wala pa ring maayos na opisina ang mga guro at kawaning nawalan ng opisina dulot ng sunog. Masidhi ang paninindigan ng OFR na nararapat nang wakasan ang KALbaryo at dapat tugunan ng pamantasan ang karapatan ng Kolehiyo ng Arte at Literatura na magkaroon ng isang permanente at marangal na tahanan at isulong ang mas agarang pagtugon sa kakulangan sa imprastruktura.

Sa kabuuan, naninindigan ang OFR na ang mga suliraning kinahaharap ng sektor ng edukasyon, mula sa mababang sahod at lumalalang kondisyon sa paggawa, hanggang sa kawalan ng konsultasyon at patuloy na pag-atake sa mga guro, ay hindi hiwa-hiwalay na usapin, kun’di magkakaugnay na manipestasyon ng mas malalim na krisis sa sistema ng edukasyon.

Ngayong buwan ng Mayo, ipinapaalala sa atin na ang tagumpay ng kilusang paggawa ay nakasandig sa pagkakaisa ng mga manggagawa sa buong daigdig. Kaya nararapat lamang na palakasin ang ating hanay, isulong ang karapatan sa disente at nakabubuhay na sahod, at magkaisa sa pagsulong ng progresibo at makabayang edukasyon.

#MayoUno

#PondoSaEdukasyonHindiSaKorapsyon