
Tuwing ika-21 ng Setyembre, ginugunita natin ang madilim na yugto ng ating kasaysayanโang proklamasyon ng Batas Militar noong 1972 sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr. Ngunit ang kasaysayan ng Batas Militar ay hindi lamang kasaysayan ng panunupil. Ito rin ay kasaysayan ng paglaban. Sa harap ng karahasan ng estado, lalong nag-alab ang diwang makabayan at sama-samang pagkilos ng mamamayan para sa demokrasya, karapatang pantao, at kalayaan. Sa araw na ito, inaalala natin ang mga biktima ng diktadura at ang patuloy na pakikibaka ng sambayanan laban sa anumang anyo ng pang-aapi at pananamantala. Kaisa ang Opisina ng Rehente ng Kaguruan sa pagpapatuloy ng laban para sa tunay, ganap, at makatarungang pagbabagong panlipunan.
Sa buong mundo, patuloy na ipinagkakait ang batayang pangangailangan, nilalabag ang mga karapatan, winawasak ang kabuhayan at kalikasan, at kumikitil ng buhay ang mga imperyalistang gera. Kasabay nito ang lumalalang pag-atake sa mga demokratikong institusyon at espasyo ng malayang pag-iisip. Ayon sa Scholars at Risk (2026), ginagamit ng mga estado ang pulisya at militar upang takutin at supilin ang pagkilos ng mga estudyante. Naitala rin ang targeted assassinations laban sa mga university leaders sa Guatemala at Pakistan, gayundin ang iligal na pagkulong sa mga iskolar sa China at Russia. Sa ilang bansa, ginagamit mismo ang batas at kapangyarihan ng estado upang pahinain ang awtonomiya ng mga pamantasanโsa pamamagitan ng pagbabawal sa mga libro at pananaliksik, pag-blacklist sa mga institusyon, at pagbabawas ng badyet upang higpitan ang kontrol sa mga institusyong pang-edukasyon.

Sa Pilipinas, mahigit limang dekada na mula nang iproklama ang Batas Militar, ngunit hindi nawala ang mga kondisyong nagbigay-daan sa panunupil. Patuloy ang paglabag sa karapatang pantao at pagsupil sa kalayaan sa pagpapahayag, pagprotesta, at pag-oorganisa, habang patuloy namang ipinapasan sa mamamayan ang bigat ng krisis pang-ekonomiya.
Hindi bago ang paglalako ng mga rekurso ng bansa sa interes ng dayuhang kapital. Sa ilalim ni Marcos Sr., inilubog ang bansa sa utang sa pamamagitan ng mga structural adjustment loan ng World Bank at binuksan sa dayuhang korporasyon ang mga likas na yaman, kabilang ang petroleum at gas resources. Sa ilalim naman ng administrasyong Marcos Jr., nagpapatuloy ang ganitong oryentasyon sa pagbubukas ng lupa, likas na yaman, at lakas-paggawa ng bansa sa mga dayuhang mamumuhunan. Sa likod ng mga proyekto gaya ng Pax Silica at Luzon Economic Corridor ay mga usapin ng pangangamkam at pagkawala ng lupa ng mga magsasaka at Indigenous Peoples, pagkawasak ng kalikasan, pagsasamantala sa mga manggagawa, at paglihis ng tubig at kuryente mula sa pangangailangan ng mga komunidad tungo sa interes ng malalaking negosyo at data center. Kasabay nito, higit na inilalapit ng mga kasunduang ito ang bansa sa mga tunggaliang imperyalista na wala sa interes ng sambayanang Pilipino.
Maging sa loob ng ating Pamantasan, nararamdaman ang lumalalim na pag-atake sa akademikong kalayaan. Sa halip na tiyakin ang seguridad at kapakanan ng mga guro at kawani, patuloy ang kontraktwalisasyon at kawalan ng seguridad sa trabaho, habang ginagamit ang mga panuntunan sa tenure at promotion bilang dagdag na presyur sa mga manggagawa sa akademya. Sa harap ng kongkretong kalagayang kinahaharap ng mga guro at kawani, lalong tumitindi ang mga pamantayang hindi kumikilala sa kanilang aktuwal na kalagayan at ambag sa pamantasan.
Samantala, itinutulak ng administrasyong Angelo Jimenez ang pagpapaikli ng kurikulum sa ngalan ng pagiging โlabor-readyโ ng mga estudyante, habang pinatitindi ang presyur sa mga fakulti na makamit ang PhD at ang kulturang โpublish or perish.โ Ngunit habang itinataas ang mga pamantayan at hinihingi ang higit na paggawa, nananatiling mababa ang sahod, kulang at sira ang mga pasilidad, at kapos ang suporta sa mga guro at kawani. Sa gitna ng nagtataasang singil sa kuryente at tubig at muling pagsirit ng presyo ng langis, wala pa ring sapat na ginhawang ibinibigay sa mga manggagawa sa pamantasan.
Ito ang dahilan kung bakit mahalagang alalahanin ang Batas Militar bilang babala ng kasaysayan sa maaaring mangyari kapag hinayaan nating lumawak ang kapangyarihan ng estado at kapital sa kapinsalaan ng mamamayan. Ang gunita ay nagpapaalala sa lakas at kahalagahan ng sama-samang pagkilos, tulad ng ipinamalas ng kilusang kontra-diktadura noon. Kung gayon, ang pagtatanggol sa karapatang pantao, akademikong kalayaan, kabuhayan, at buhay na may dignidad ang hamon sa atin ngayon.
Dahil dito, nanawagan ang Opisina ng Rehente ng Kaguruan sa bawat guro, mananaliksik, at kawani pang-edukasyon na makiisa sa Bahain ng Protesta ang mga Korap at Pahirap.ย Magkita-kita tayo sa Lunes, ika-21 ng Setyembre, sa ibaโt ibang pagkilos sa ating mga lugar. Sama-sama nating itambol ang panawagang โPanagutin ang Sangkot Hanggang sa Tuktok!โ