𝐀𝐜𝐚𝐝𝐞𝐦𝐢𝐜 𝐅𝐫𝐞𝐞𝐝𝐨𝐦 𝐅𝐨𝐫𝐮𝐦 𝐌𝐚𝐭𝐚𝐠𝐮𝐦𝐩𝐚𝐲 𝐧𝐚 𝐈𝐝𝐢𝐧𝐚𝐨𝐬 𝐬𝐚 𝐂𝐞𝐛𝐮

Nitong huling ika-12 ng Agosto, idinaos ng UP Office of the Faculty Regent, sa tulong ng All U.P. Academic Employees Union, All UP Academic Employees Union-UP Cebu Chapter, All UP Academic Employees Union-Diliman Chapter, at Alliance of Concerned Teachers-Philippines, ang Academic Freedom Forum 2026 sa Performance Arts Hall, University of the Philippines Cebu.

Bilang panimula, nagbigay ng pambungad na pananalita si UP Cebu Vice Chancellor for Academic Affairs Palmy Pe-Tudtud, na sinundan ni Prop. Carl Ramota ng UP Manila para sa diskusyon ukol sa pagpupunyagi upang ipaglaban ang akademikong kalayaan. Nagsilbing tagapadaloy si Prop. Glory Dee Romo ng UP Mindanao.

Sa panel discussion naman, pinalawig nina Prop. Willy Alangui ng UP Baguio at Mr. Reemar Alonsagay ng Mindanao State University-Marawi ang hamong kinahaharap ng iba’t ibang institusyong pang-akademiko sa bansa. Dagdag pa, binigyang-diin ni Ms. Lucky Loreen Legaspi ang kahalagahan ng regularisasyon at security of tenure para sa mga edukador at education support personnel bilang magkakawing na pangangailangan upang mapagtibay ang praktika ng akademikong kalayaan.

Panghuli, nagbigay ng diskusyon si Prop. Rommel Rodriguez ng UP Diliman at National President ng All UP Academic Employees Union, sa kahalagahan ng mga unyon at organisasyon. Hinikayat niya ang bawat isa na lalo pang pag-igtingin ang sama-samang pagkilos upang depensahan ang Academic Freedom. Nagsilbing tagapadaloy si Asst. Prof. Katrina Ortega ng UP Diliman.

Upang isarado ang programa, ibinahagi ni UP Faculty Regent Early Sol Gadong ang pangangailangan na malaman ang pananaw at paninindigan ng mga taga-Visayas at Mindanao sa usapin ng akademikong kalayaan. Nagbigay hamon din siya sa mga delegado na bitbitin ang mga aral na natutunan mula sa Forum.

Upang iugnay ang usapin ng akademikong kalayaan sa isyu ng masa, pagkatapos ng programa ay nagkaroon ng Basic Masses Integration na aktibidad sa Carbon Public Market, kung saan pinagtibay ang paninindigan laban sa komersiyalisasyon at para sa pagpapanatili ng public market bilang pampublikong serbisyo.

Bahagi ang Academic Freedom Forum ng ACT-SUC Visayas-Mindanao Summit at dinaluhan ng mga faculty regent, edukador, unyonista, mananaliksik, at mga kawaning pang-edukasyon mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges sa Luzon, Visayas, Mindanao.

Sa buong araw, pinagtibay na ang akademikong kalayaan ay karapatan ng bawat mamamayan at nararapat lamang depensahan at ipaglaban.

 

#DefendAcademicFreedom