𝘕𝘪 𝘙𝘰𝘮𝘮𝘦𝘭 𝘉. 𝘙𝘰𝘥𝘳𝘪𝘨𝘶𝘦𝘻

Katuwang ang Opisina ng Rehente ng Kaguruan ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa programa nitong Ugnayan (Usapang Pamantasan at Bayan), isinagawa ng All UP Academic Employees Union ang regular nitong Ikot Unyon sa iba’t ibang constituent university ng UP. Sa pamamagitan ng bukas na talakayan at pagbabahagi ng mga guro at REPS sa iba’t ibang CUs, nalikom ang ilan sa mahahalagang usapin at hamon na kinakaharap ng mga guro at REPS sa pamantasan sa kasalukuyan.
Mahalaga ang mga talang ito sa patuloy na pagdokumento ng OFR at ng unyon sa maiigting na usaping paulit-ulit na inihahain ng mga empleyado ng unibersidad sapagkat kalimitan ay walang kongkretong tugon sa mga usaping ito. Narito ang nalikom na mga usaping marapat pagtuunan ng pansin ng administrasyon upang mabigyang-solusyon ang mga ito sa lalong madaling panahon:
𝟭. 𝗞𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗣𝗹𝗮𝗻𝘁𝗶𝗹𝗹𝗮 𝗜𝘁𝗲𝗺𝘀
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling pinakamalaking suliranin ng Unibersidad pagdating sa employment ang kakulangan ng items kapwa sa kaguruan at mga REPS. Ang karaniwang paraan ng administrasyon upang kagyat itong tugunan ay mas malaan ng mga posisyong lecturer, teaching fellows at teaching asssistants para punan ang kakulangan ng mga guro sa iba’t ibang CUs. Samantala, nananatiling malaking porsiyento ng ating REPS sa buong UP System ay mga kontraktuwal at job order ang istatus na employment.
𝟮. 𝗢𝘃𝗲𝗿𝘄𝗼𝗿𝗸𝗲𝗱, 𝘂𝗻𝗱𝗲𝗿𝗽𝗮𝗶𝗱
Dahil sa kakulangan ng mga plantilla items, madalas ang mga pagkakataon na sinasalo ng mga guro at REPS ang mga pangangailangan ng units sa pagtuturo, pananaliksik hanggang sa administratibong gawain. Hindi sapat ang ratio ng mga guro at REPS sa sinersebisyuhan mga estudyante at iba pang sektor sa Unibersidad.
𝟯. 𝗥𝗲𝗯𝘆𝘂 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝗮𝗸𝗮𝗱𝗲𝗺𝗶𝗸𝗼 𝗮𝘁 𝗮𝗱𝗺𝗶𝗻𝗶𝘀𝘁𝗿𝗮𝘁𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝘁𝗮𝗸𝗮𝗿𝗮𝗻
Sa pag-ikot sa iba’t ibang CUs ng UP, natukoy sa bawat pagbabahagi na kailangan ang malawakang rebyu sa mga akademiko at administratibong programa at patakaran ng pamantasan na may direktang epekto sa employment status ng mga guro at REPS. Kailangang maging inclusive ang mga patakaran para maiwasan ang pagsasantabi ng kasamang guro at REPS na di nakakatupad sa itinakdang mga pamantayan, partikular sa usaping tenure at promosyon.
𝟰. 𝗘𝗻𝗮𝗯𝗹𝗶𝗻𝗴 𝗲𝗻𝘃𝗶𝗿𝗼𝗻𝗺𝗲𝗻𝘁
Napakaraming hinihiling ng kasalukuyang administrasyon sa mga guro at REPS sa usapin ng pagututro at serbisyo sa pamantansan. Subalit sa huli, sa pamamagitan ng mga bahaginan sa mga CU naging malaking usapin na upang maiskatuparan ng mga guro at REPS ang kanilang partikular na mga gawain at responsibilidad, mahaaga ang suporta mula sa administrasyon. Sa pamamaraan man ito ng sapat na pasilidad sa pagtuturo, pananaliksik, at gawaing ekstensiyon hanggang sa pagpapataas ng mga ranggo partikular ng mga empleyadong nakapaloob sa pinakamababang rank sa pamantasan.
𝟱. 𝗠𝗲𝗻𝘁𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝗹𝘂𝘀𝘂𝗴𝗮𝗻
Ang hamon sa mental na kalusugan ng empleyado ay higit na tumindi at naging matinding usapin lalo na noong pandemya. Sanhi ng konteksto ng pandemyang COVID, kaliwa’t kanan pagkakasakit at kung minsan, kamatayan ng mga mahal sa buhay, labis na naapektuhan ang katatagan ng pag-iisip ng mga guro at REPS. Sa huli, kahit natapos ang pandemya, malaking suliranin pa rin ito na marapat tugunan ng administrasyon.
𝟲. 𝗣𝗮𝘀𝗶𝗹𝗶𝗱𝗮𝗱 𝗮𝘁 𝗸𝗮𝗹𝗮𝗴𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗴𝘂𝘀𝗮𝗹𝗶
Naging matingkad din na usapin ang kalagayan ng mga pasilidad at gusali sa ilang CUs. May mga kampus na hindi pa lubusang natatapos ang mga gusali kung kaya’t hindi nagagamit. Maraming dahilan ang ibinibigay ng mga administrador, mula sa kakulangan ng budget hanggang sa teknikal na mga usaping tulad ng kawalang permit sa pagtayo ng gusali. Sa huli, ang mismong mga sektor ng CU ang labis na naaapektuhan.
𝟳. 𝗚𝗿𝗶𝗲𝘃𝗮𝗻𝗰𝗲 𝗽𝗿𝗼𝗰𝗲𝗱𝘂𝗿𝗲
Nakapaloob sa ating Collective Negotiation Agreement na marapat magsagawa ang ating unyon katuwang ang administrasyon ng grievance training procedure upang matukoy ang epektibong mga pamamaraan upang mabigyang resolusyon ang mga hinaing at hindi pagkakaunawaan ng mga kapwa empleyado at administrador. Sa bahagi ng unyon, naisagawa na natin ang isang grievance training workshop at kasalukuyang tinitipon ang resulta nito at mahahalagang datos at tala para sa agaran nitong pagsasakatuparan.
𝟴. 𝗗𝗲𝗺𝗼𝗸𝘁𝗿𝗮𝘁𝗶𝗸𝗼 𝗮𝘁 𝗸𝗼𝗻𝘀𝘂𝗹𝘁𝗮𝘁𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝗵𝗮𝗹𝗮
Nailatag din ng mga guro at REPS ang kahalagahang isulong ang demokratiko at konsultatibong pamamahala ilang CUs. Mahalagang maging transparent ang mga administrador sa kanilang mga polisiya at patakaran. Marapat tiyakin na hindi sila nagsasantabi ng mga sektor at hindi inaabuso ang pansamantalang hawak na kapangyarihan dahil sa posisyon.
𝟵. 𝗣𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗖𝗼𝗹𝗹𝗲𝗰𝘁𝗶𝘃𝗲 𝗡𝗲𝗴𝗼𝘁𝗶𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 𝗔𝗴𝗿𝗲𝗲𝗺𝗲𝗻𝘁
Sa pag-ikot sa buong UP System, palaging inihahain ng nakasamang mga guro at REPS ang halaga ng pagpapatupad ng CNA sa pagitan ng administrasyon at unyon. May ilan pa ring administrador ang tila hindi batid na marapat tumalima sa mga nilalaman ng CNA, partikular sa usapin ng committee representation kapwa sa antas system at CU.
𝟭𝟬. 𝗔𝗸𝗮𝗱𝗲𝗺𝗶𝗸𝗼𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗮𝗻
Sa nagdaang mga taon, patuloy ang pandarahas, paniniktik at pananakot ng mga puwersang militar at pulisya ng estado sa mga guro, unyonista’t mga mag-aaral ng uinibersidad. Maigting ang panawagan ng iba’t ibang sektor ng UP upang isulong ang pagbuo ng komite sa unibersidad na mangangalaga sa akademikong kalayaan at karapatang pantao ng mga miyembro ng komunidad ng Unibersidad.
Hanggang sa kasalukuyan, binibitbit ng AUPAEU ang mga usaping may kaunayan sa benepisyo, kapakanan, at kagalingan ng mga guro, REPS, at kawani ng U.P. Sa nangdaang mga buwan ng taong 2023 hanggang sa kasalukuyan, naging matatag ang ugnayan ng unyon at OFR upang isulong ang mga panawagan at kampanyang higit na nakabubuti sa nakararaming empleyado ng Unibersidad ng Pilipinas.
𝘚𝘪 𝘋𝘳. 𝘙𝘰𝘮𝘮𝘦𝘭 𝘉. 𝘙𝘰𝘥𝘳𝘪𝘨𝘶𝘦𝘻 𝘢𝘺 𝘨𝘶𝘳𝘰 𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘭𝘪𝘬𝘩𝘢𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘴𝘶𝘭𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘒𝘰𝘭𝘦𝘩𝘪𝘺𝘰 𝘯𝘨 𝘈𝘳𝘵𝘦 𝘢𝘵 𝘓𝘪𝘵𝘦𝘳𝘢𝘵𝘶𝘳𝘢 𝘯𝘨 𝘜𝘗 𝘋𝘪𝘭𝘪𝘮𝘢𝘯, 𝘢𝘵 𝘕𝘢𝘵𝘪𝘰𝘯𝘢𝘭 𝘝𝘪𝘤𝘦 𝘗𝘳𝘦𝘴𝘪𝘥𝘦𝘯𝘵 𝘧𝘰𝘳 𝘍𝘢𝘤𝘶𝘭𝘵𝘺 𝘯𝘨 𝘈𝘭𝘭 𝘜.𝘗. 𝘈𝘤𝘢𝘥𝘦𝘮𝘪𝘤 𝘌𝘮𝘱𝘭𝘰𝘺𝘦𝘦𝘴 𝘜𝘯𝘪𝘰𝘯
View the PDF file our first issue of the official publication of the Office of Faculty Regent of the University of the Philippines. Scan the QR code or click on the following link: https://issuu.com/osrup/docs/up_kalipunan_01-01-final_8f8b9c864f892e
Download the PDF file here: https://drive.google.com/file/d/1LAcnnEgaWHMufyJ_QHzYj0ZWQJjLA7o-/view?usp=sharing








