#FR Updates | Karapatan, kagalingan, at kaayohan ng sangkaguruan, isinulong ni FR Sol sa huling BOR meeting ngayong taon

Kahapon, ika-26 ng Nobyembre, ang huling Board of Regents (BOR) Meeting ngayong taon. Sa kanyang huling BOR Meeting bilang Faculty Regent, narito ang mga adyenda items na binitbit at isinulong ni FR Early Sol A. Gadong sa ika-1414 na BOR Meeting:

  1. Pagsusulong ng 1:1 na PE Units

Iniharap sa BOR ang panukalang gawing 1:1 ang Physical Education (PE) units, na nangangahulugang isang teaching load credit para sa bawat oras ng klase. Sa talakayan, binanggit ni CHED Chair Shirley Agrupis na umiiral na ang ganitong sistema sa mga State Universities and Colleges (SUCs). 

Itinulak ni FR Gadong ang pagsasapinal ng panukala sa susunod na taon, kalakip ang kinakailangang datos hinggil sa mga implikasyong pinansyal nito, upang maisakatuparan ang panukala sa Academic Year 2027–2028.

 

  1. Pagsuporta sa restructuring ng OVPLA

Bilang tugon sa mga natatanggap na komunikasyon ng OFR hinggil sa mga pagkaantala sa pagproseso ng mga dokumento at pagpapasya, nagpahayag ng suporta si FR Gadong sa restructuring ng Office of the Vice President for Legal Affairs (OVPLA). 

Inaasahang makatutulong ang mga pagbabagong ito upang mapabilis ang mga proseso at mapahusay ang serbisyong administratibo sa loob ng Unibersidad.

 

  1. Pagtiyak sa Malinaw at Harmonisadong mga Patakaran para sa Graduate Programs

Binigyang-diin ni FR Gadong ang pangangailangang tiyakin ang kalinawan ng Harmonized Graduate Program Policies and Guidelines. Mahalaga ito upang maiwasan ang magkakaibang interpretasyon at pagpapatupad ng mga patakaran na maaaring makaapekto sa mga mag-aaral, guro, at mga yunit na nagpapatakbo ng mga graduate program.

 

  1. Pagkakaloob ng Kauna-unahang Long-Term Contract sa International Faculty

Tulad ng maraming kontraktuwal na kawani ng Unibersidad ay nahaharap din ang mga miyembro ng international faculty sa mga suliranin tuwing renewal ng appointment, kabilang ang pagkaantala sa sahod at iba pang benepisyo, mahalagang hakbang tungo sa higit na seguridad sa paggawa ang pagkakaloob ng kauna-unahang long-term contract sa kanila. Sa ganitong paraan, mabibigyan sila ng higit na proteksiyon at katiyakan sa kanilang paninilbihan sa akademikong komunidad.

Iba pang mga usaping iniulat at isinulong ni FR Gadong sa BOR:

  • Pagpapatuloy ng mga inisyatiba ng OFR

Iniulat ni FR Gadong ang mga naging inisyatiba ng kaniyang tanggapan at nagpasalamat sa Office of the Secretary of the University (OSU) at sa mga kasapi ng administrasyon sa kanilang suporta. Ipinahayag din niya ang pag-asang maipagpapatuloy ang ganitong suporta sa susunod na Faculty Regent

  • Hinggil sa Basic Education Units (BEUs)

Nagpasalamat siya sa BOR at administrasyon sa suporta sa pagsusulong ng kapakanan ng mga BEU ng UP at sa pagtanggap sa mga rekomendasyon mula sa Batayan Serye, kabilang ang pagsasaalang-alang sa mga partikular na kalagayan at pangangailangan ng mga BEU sa Faculty Merit Promotion (FMP).

  • Pagsusulong ng Healthy Aging para sa mga kawani ng Unibersidad

Ibinahagi ni FR Gadong ang kaniyang paglahok sa talakayang The Future of Long-Term Care na pinangunahan ng UP Manila Institute of Aging noong Oktubre 15 at ang mga rekomendasyong maaaring maging batayan ng mga patakarang magtitiyak na ang mga kawani ng UP ay magkakaroon ng maayos at malusog na pagtanda habang naninilbihan sa Unibersidad.

  • Hinggil sa Creative Workers Summit

Binanggit ng FR Gadong na may mga guro, kawani, at alumni ng UP katatapos na Palanca Awards at sinuportahan ang mungkahi ni President Angelo Jimenez na magsagawa ng pagkilala para sa mga nagwagi. Nagpasalamat din siya sa Office of the President at sa President’s Committee on Culture and the Arts sa suporta para sa nalalapit na Creative Workers Summit, na magtitipon sa mga guro at kawani na nasa larangan ng malikhaing paggawa upang talakayin ang kanilang mga usapin at pangangailangan at bumuo ng mga panukalang resolusyon.

Sa loob ng Board of Regents (BOR), mahalaga ang papel ng mga sektoral na rehente na pinipili at iniluluklok mismo ng mga sektor na kanilang kinakatawan. Bilang kinatawan ng kaguruan sa buong UP, tungkulin ng Faculty Regent na dalhin sa pinakamataas na lupon ng pagpapasya ng Unibersidad ang kanilang tinig, pananaw, at mga paninindigan.

Hindi maihihiwalay ang pagsusulong ng UP bilang pambansang unibersidad na nagtataguyod ng kalidad na edukasyon at pampublikong serbisyo sa pagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng mga taong bumubuo at nagpapatakbo rito. Kaya naman, higit pa sa representasyon ng kaguruan, aktibong isinusulong ng Faculty Regent ang kaayohan ng mas malawak na komunidad ng UP, kabilang ang mga REPS, administratibong kawani, at mga kawaning kontraktuwal.

Gayunman, hindi pa nagtatapos sa mga adyendang natalakay at naipaglaban sa nagdaang termino ang mga laban para sa kaayohan ng komunidad ng UP. May mga usapin at panukala pang nangangailangan ng patuloy na pagsubaybay, paggiit, at pagsulong sa susunod na mga pulong ng BOR. Kabilang dito ang pagbubuo ng Faculty Welfare Council sa buong UP System, pagkakaroon ng mas marami at mas mataas na plantilla items, at sapat na paghahanda para sa mga epekto ng nalalapit na El Niño at lumalalang krisis pangklima.

Sa nalalapit na FR Selection sa ika-2 hanggang ika-3 ng Disyembre, inaanyayahan ang bawat miyembro ng fakulti na aktibong makilahok sa proseso at gamitin ang kanilang karapatang pumili ng susunod na Faculty Regent. Maging mapanuri sa mga paninindigan, adyenda, at rekord ng paglilingkod ng mga kandidato. Mahalaga ang pagpili ng isang kinatawang hindi lamang magdadala ng tinig ng kaguruan sa BOR, kundi kikilalanin at ipaglalaban din ang kapakanan ng mas malawak na komunidad ng UP at ng sambayanang Pilipino.

#KaayohanParaSaTanan