
Nitong Biyernes, Hunyo 19, nagdaos ng pulong pangkaguruan si Faculty Regent Early Sol Gadong kasama ang mga fakulti ng UP Manila-School of Health Sciences (UPM-SHS) sa kampus nito sa Palo, Leyte. Dumalo rin sa pulong ang Dekano ng UPM-SHS na si Dr. Charlie E. Labarda.
Kabilang sa mga pangunahing usaping tinalakay sa pulong ang hindi pa nababayarang overload honorarium ng mga guro, study leave at iba pang usaping pangkapakanan ng mga fakulti, pagsasaayos ng mga pasilidad, pangangailangan para sa dagdag na faculty items, promotion at tenure, at ang panawagang magkaroon ng pampublikong ospital sa rehiyong Samar-Leyte.

Nagbigay rin si FR Sol ng mga update hinggil sa mga usaping ito. Kaugnay ng unpaid overload honorarium, ibinahagi niyang patuloy na naghahanap ang administrasyon ng mapagkukunan ng pondo upang mabayaran ang mga naantalang honorarium. Sa antas ng polisiya, ayon kay Tsanselor Michael L. Tee ng UP Manila, isinasaalang-alang din ang natatanging quarterly academic calendar ng UPM-SHS sa pagbabalangkas ng mga patakaran sa overload pay upang hindi lalong mabigatan ang mga guro.
Hinikayat din ni FR Sol ang mga fakulti na samantalahin ang mga oportunidad para sa study leave at sabbatical leave bilang bahagi ng kanilang propesyonal na pag-unlad at pangangalaga sa kanilang kalusugan at kapakanan. Aniya, ang pamumuhunan sa kapakanan, kagalingan, at pagpapaunlad ng mga guro ay pamumuhunan din sa pangmatagalang pag-unlad ng unibersidad.
Ikinatuwa rin ni FR Sol ang mga naging pagbabago sa faculty room ng kampus, kabilang ang pagkukumpuni sa dati nitong sirang kisame at ang pagkakaroon ng maayos na air conditioning system.

Ipinahayag naman ng mga fakulti ang pangangailangan para sa mas maraming faculty items upang mas maayos na maipamahagi ang mga tungkulin sa pagtuturo at magkaroon ng sapat na panahon para sa pananaliksik. Kaugnay nito, nangako si FR Sol na susubaybayan ang pagpapatupad ng mga mekanismong magbibigay-daan sa mga guro ng General Education (GE) na makapaglingkod sa mga yunit ng UPM-SHS. Sa kasalukuyan, ang mga guro mula sa allied medical fields ang nagtuturo ng ilang GE courses tulad ng Math at PE, na lalo pang nagpapabigat sa kanilang kasalukuyang mga responsibilidad.
Sa usapin ng promotion at tenure, ibinahagi ni FR Sol na kasalukuyang gumagawa ng panukala ang Office of the Faculty Regent upang palawakin ang mga landas para sa promosyon at tenure ng mga guro. Layunin nitong kilalanin hindi lamang ang pananaliksik kundi maging ang iba pang mahahalagang ambag ng mga guro at kawani ng UP, tulad ng paglilingkod-bayan at pampublikong serbisyo.
Tinalakay rin sa pulong ang matagal nang pangangailangan para sa karagdagang pampublikong ospital o sangay ng Philippine General Hospital sa rehiyong Samar-Leyte upang higit na mapalawak ang akses ng mamamayan sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan at mapalakas ang pagsasanay ng mga mag-aaral sa larangan ng medisina at allied health professions.

Ang UPM-SHS ay isang natatanging programang nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral mula sa mga marhinalisado at malalayong komunidad na makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas sa larangan ng medisina at iba pang kursong pangkalusugan. Sa pamamagitan ng programang ito, nahuhubog ang mga propesyunal bilang mga doktor, midwife, nars, at mananaliksik na inaasahang maglilingkod at magbabalik sa kanilang mga komunidad upang tugunan ang mga suliraning pangkalusugan at makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang mga lugar.
Sa panahong patuloy na itinutulak ng mababang sahod at kakulangan ng suporta ang maraming healthcare worker na mangibang-bansa, nananatiling pambihira ang ambag ng UPM-SHS. Humigit-kumulang 95% ng mga gradweyt nito ang nananatili sa bansa at buong-pusong naglilingkod sa kanilang mga pamayanan. Dahil dito, mahalagang kilalanin at suportahan ng unibersidad ang mahalagang ambag ng UPM-SHS sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga guro at kawani nito ng sapat na pagkalinga, suporta, at mga kondisyong magpapahintulot sa kanilang magampanan nang mahusay ang kanilang misyon.
#KaayohanParaSaTanan
































Kasama sa mga dumalo ang mga faculty, REPS. at admin staff ng UPV at gayundin sina Chancellor Clement Camposano, VCA Farisal Bagsit, OIC VCAA Eric Rizo, Acad Union NEB VP for Faculty Rommel Rodriguez, UPHSI Principal Edelia Braga, ACT Region 6 representative Max Montero, at ang mga opisyal ng Acad Union Iloilo.
