Office of the Faculty Regent

Larawan mula sa UPM School of Health Sciences FB Page
Larawan mula sa UPM School of Health Sciences FB Page


Maayong hapon sa inyo tanan. Magandang hapon po sa inyong lahat.

Una kong nalaman ang tungkol sa UP Manila School of Health Sciences noong bahagi ako ng Academic Union at bago pa maging Faculty Regent. Sa tuwing pumupunta kami sa UP Tacloban ay sinisikap naming makapunta rin sa SHS Palo para makausap ang ating faculty at staff doon. Noong naging faculty regent na ako ay napuntahan ko rin sa wakas ang Baler, Koronadal, at Tarlac campuses. 

Sa ilang beses kong pagpunta ay dalawa ang laging tema ng aking mga nakikita’t naririnig:

Sa isang banda, kailangang kailangan ng SHS ng suporta sa imprastruktura at pasilidad, gayundin ng dagdag na items at panahon para sa advanced studies at research ng ating mga kaguruan at kawani — matingkad pa sa aking alaala ang napakalaking butas sa bubong ng faculty room sa Palo, kung saan sobrang init kapag summer dahil hindi ito malagyan ng aircon, samantalang kailangan namang magpayong sa loob ng building tuwing tag-ulan. 

Halos ganito din ang sitwasyon sa Koronadal, kung saan naman kailangan pang magbenta ng mga guro ng kalamansi at kung ano pang bungang kahoy para may pambayad sa LBC at sa Baler, kung saan matagal ding natengga ang paggamit ng ilang kwarto at buildings na nasira ng bagyo. 

Higit na maayos ang imprastruktura sa Tarlac, pero kagaya ng mga guro sa ibang SHS campus ay kulang na kulang din sila ng pagkakataong mag-aral, mag-research, at mag-publish dahil sa kakulangan ng plantilla items at iba pang suporta.

Ngunit sa kabilang banda, kahit laging may kirot sa aking puso ang pagbisita sa ating SHS campuses, lagi rin akong may baong tuwa pag-alis. Naikot ko na po ang lahat ng mga campuses ng UP sa buong bansa — mula Baguo, Cebu, at Mindanao — pero sa SHS campuses lang po may mga estudyanteng marunong bumati ng good morning o good afternoon. Sa SHS campuses din laging binibida ng mga guro ang accomplishments ng kanilang mga estudyanteng nagtop sa board exam, nagbalik upang magturo sa SHS, o marubdob na nagsisilbi sa kani-kanilang mga bayan. Lahat nang ito ay nakakamtan ng UP MANILA SCHOOL OF HEALTH SCIENCES kahit na limitado ang suporta sa kanila.

Isipin niyo na lang kung ano pa ang maaabot ng modelong ito kung higit pa silang nabibigyan pansin at resources.

Sinasabi ng iilan na nagbabago na ang mukha ng mga Iskolar ng Bayan — may twang na kapag nagsasalita, parking space na ang pino-problema, at mas pinipili na ang single origin handcrafted coffee imbes na mag-make tusok tusok ng kwek kwek at fish balls. Hayahay na rin daw ang mga estudyante ngayon, lalo pa’t may AI na, kaya higit nang marami ang mga may latin honors.

Kung may marinig o mabasa man kayong nagsasabi nito, sana ay maimbitahan natin silang bumisita sa kahit aling SHS campus, para makita nila ang mga isko at iska na matatas sa paggamit ng sariling wika, kinakapos ng pambayad sa traysikel, at nabubuhay sa isang pakete ng noodles sa buong araw. Ipaalam natin natin sa kanila ang SHS campuses kung saan kahit walang numerical grades ay masigasig na nag-aaral ang mga estudyante at nangunguna sa mga licensure exams. Ipakilala natin sa kanila ang bawat mag-aaral sa SHS campuses na kailanma’y hindi mapapantayan ng artipisyal na kaalaman ang kaugaliang likas na mapagkalinga at mapagmalasakit.

Sa Class of 2025, hihiramin ko lang ang sinabi ng isa sa mga guro niyo. Nagsimula kayo sa pandemya at ngayo’y magtatapos sa delubyo. Hindi naging madali ang bawat hakbang, ngunit kahapon ay nagsipagtapos kayo sa pambansang pamantasan. Ang bawat isa sa inyo ang matingkad na halimbawa ng paggamit ng galing nang may dangal sa paglilingkod bayan. 

Hangad kong may Return Service Agreement man o wala, lagi’t lagi sana kayong itutulak ng inyong puso na patuloy na magsilbi sa komunidad na higit na nangangailangan sa inyong husay at malasakit.

Panginbulahan, Class of 2025! Padayon at magandang hapon pong muli sa inyong lahat!

 

EARLY SOL A. GADONG
28th UP Faculty Regent

23 Hulyo 2025
Cine Adarna, UP Diliman