Office of the Faculty Regent

Pahayag ng mga Opisina ng Sectoral Regents Hinggil sa Pag-aresto kay Dating Pangulong Duterte

Inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte alas-9:20 ng umaga ng Marso 11, 2025, pagdating niya sa Maynila galing sa Hong Kong. Pormal nang isinampa ng Philippine Prosecutor General ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) para sa mga kasong krimen laban sa sangkatauhan (crimes against humanity), na natanggap ng INTERPOL Manila kaninang umaga. Sa ngayon, nasa kustodiya siya ng PNP at iniulat na nasa maayos na kalusugan. Ang kaso laban kay Duterte ay batay sa kanyang pananagutan sa madugong giyera kontra droga mula 2016 hanggang 2022. Humantong ito sa libu-libong ekstrahudisyal na pamamaslang, at direktang resulta ng kanyang tuwirang utos at kabiguang panagutin ang mga salarin sa pamamaslang. Sa panahong ito ay mas lalo ding tumindi ang panunupil at brutalidad ng Estado, lalo na laban sa progresibong oposisyon. Sagad-sagaran din ang mga naging pag-atake sa kalayaang akademiko, at tinarget ang mga guro, propesor, estudyante at kawani na nagsalita laban sa mga katiwalian at abuso ng Estado. Sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020, naging legal ang pag-aresto nang walang mandamyento, pinalawig ang detensiyon, at pinatindi ang red-tagging sa mga aktibista, mamamahayag, at iba pang tumututol sa kanyang rehimen. Mahalagang hakbang ang pag-arestong ito kay Duterte para mabigyan ng hustisya ang libu-libong napaslang sa kanyang termino bilang pangulo at kung mapatunayan sa ICC na nagkasala siya’y dapat maparuhasan para hindi na matularan. Pero mahaba pa ang laban. Nananatili pa rin ang mga institusyong naging kasabwat sa kanyang mga krimen. Kakailanganin ang patuloy na pagmamatyag ng mga Pilipino, ang walang pagod na paglaban ng mga biktima at tagapagtanggol ng karapatan, at ang suporta ng pandaigdigang komunidad para matiyak ang hustisya para sa mga biktima at sa mga mamamayang Pilipino. #JusticeForEJKVictims #DefendAcadFreedom #StopTheKillings #EndImpunity Hon. Francesca Mariae M. Duran UP Student Regent Hon. Early Sol Gadong UP Faculty Regent Hon. Marie Theresa G.S. Alambra UP Staff Regent