Maaaring ipagmamalaki niya ang diumano’y tagumpay sa negosasyon kay US Pres. Donald Trump: kkapiranggot na isang percentage point na pagbaba ng taripa kapalit ang mas maluwag na pagpasok ng mga produktong US sa bansa. Habang pinalalakas ang dayuhang kontrol sa ating ekonomiya, patuloy naman ang pagdurusa ng mga Pilipino sa pagtaas ng presyo ng bilihin at nananatiling di sapat ang kakarampot na dagdag-sahod, lalo pa’t laganap ang job insecurity.
Sa halip na tugunan ang mga ugat ng kahirapan at kawalang-katarungan, patuloy ding binabawasan ang pondo para sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan. At dahil hindi nito matugunan ang pangangailangan ng sambayanan, pinatitindi lang ni Marcos Jr. ang panunupil sa mga kritikal na tinig. Sa mga akademikong espasyo tulad ng UP, tumitindi ang mga atake sa akademikong kalayaan, pumapasok ang mga militar at pinagbabantaan ang mga guro, estudyante, at mananaliksik na lumalaban para sa kanilang mga karapatan.
Samantala, sa kabila ng mga postura ng pagpapanagot sa nakaraang tiwaling administrasyong Duterte, lumalabas na wala itong masyadong interes o tulak na makamit ng bayan ang hustisya. Habang positibo ang pagkakasakdal kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, binigo naman tayo ng Korte Suprema sa pagbabasura ng impeachment kay VP Sara Duterte. Sa desisyon nito, ipinagkait ng kataas-taasang korte ang pagkakataong mapanagot ang mga Duterte sa mga alegasyong paglustay sa pondo ng bayan. Ipinakikita nito ang kawalan ng hustisya sa bansa.
Binibigo din tayo ng administrasyong Marcos Jr. sa pagharap sa krisis sa klima. Malinaw ito sa lantad na kawalan ng paghahanda ng gobyerno sa harap ng inaasahan nang matinding pagbaha sa Kamaynilaan na nagdulot ng pagkawala ng kabuhayan, bahay, at buhay ng maraming Pilipino.
Sa harap ng lahat ng ito, nananawagan tayo sa komunidad ng UP at mga mamamayang Pilipino na tumindig para ihayag ang tunay na SONA, at igiit ang ating mga karapatan at kinabukasan sa harap ng kainutilan ng kasalukuyang mga nasa kapangyarihan.
Partikular sa akademikong sektor, nananawagan tayong doblehin ang badyet ng edukasyon. Kailangang itaas na ang sahod ng mga guro’t kawani, kabilang ang pagtakda ng PhP36,000 na sahod para sa Salary Grade 1. Hiling din nating itaas ang Instructor 1 sa Salary Grade 16, at bigyan ang Teacher 1 ng minimum na PhP50,000 buwanang sahod.
Hindi rin natin binibitiwan ang panawagan para sa de-kalidad at higit na aksesibleng mga pasilidad at serbisyo, gayundin ang pagpapabilis ng pag-apruba ng plantilla items at pagtigil ng kontraktwalisasyon sa ating mga kawani’t kaguruan.
Ipaglalaban natin iyan dahil iyan ang nararapat at makatarungan.
Presyo ibaba! Sahod itaas!
Itigil ang red-tagging at paglabag ng karapatan at akademikong kalayaan!
Marcos singilin! Duterte panagutin!
Francesca Mariae M. Duran
Student Regent
Early Sol A. Gadong
Faculty Regent
Marie Theresa S. Alambra
Staff Regent
28 Hulyo 2025