Office of the Faculty Regent

Ngayong ginugunita natin ang ika-126 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, inaalala natin hindi lang ang kasaysayan ng paglaban sa dayuhang pananakop, kundi pati ang nagpapatuloy na tungkulin ng bawat mamamayan at institusyon na ipaglaban ang mabuting pamamahala at pananagutan sa ating gobyerno.

Bilang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), at bilang mga mamamayang naninindigan para sa isang tapat at makatarungang pamahalaan, mariin naming ipinapanawagan sa Senado ng Pilipinas na gampanan ang konstitusyonal nitong tungkulin bilang Impeachment Court kaugnay ng reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
 
 
Imoral, labag sa Saligang Batas, at di katanggap-tanggap ang naging hakbang ng Senado na ibalik sa Kamara ang reklamong impeachment. Obligasyon ng Senado na tipunin ang sarili bilang Impeachment Court at simulan ang paglilitis sa kaso, isang obligasyong nakaugat sa sistemang demokratiko at hindi maaaring talikuran.
 
 
Hindi sapat ang pananahimik sa harap ng seryosong mga paratang ng katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan, lalo na ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education. Ang ganitong klase ng pondo, na hindi dumaraan sa sapat na pagsusuri o oversight, ay matagal nang bulnerable sa abuso. Sa kaso ni Vice President Duterte, malinaw na may sapat na batayan para ituloy ang impeachment proceedings.
 
 
Ang proseso ng impeachment ay isang mahalagang mekanismo ng checks and balances na itinatadhana ng Saligang Batas. Banta sa sistemang demokratiko ang anumang pagtatangkang iwasan, atrasan, o antalahin ang tungkuling ito ng Senado.
 
 
Sa diwa ng Araw ng Kalayaan, hinihimok namin ang taumbayan na maging mapagbantay. Ang bawat sentimo ng kaban ng bayan ay nararapat lang na gamitin para sa kapakinabangan ng nakararami, hindi para sa kapangyarihan at kapritso ng iilan. Huwag nating hayaang makaiwas sa pananagutan ang mga lider na lumalabag sa tiwala ng taumbayan.
 
 

Panagutin ang dapat panagutin! Ituloy ang impeachment proceedings!

 
 
Francesca Mariae M. Duran

UP Office of the Student Regent

Early Sol A. Gadong

Opisina ng Faculty Regent

Marie Theresa G.S. Alambra
Office of the Staff Regent