
Nagsilbing tagapagsalita si Faculty Regent Early Sol A. Gadong sa nakalipas na Cycling Cities Conference na ginanap sa Lungsod ng Iloilo, noong ika-2 ng Hunyo 2025. Ang conference ay bahagi ng padiriwang ng Iloilo Bike Festival at dinaluhan ng iba’t ibang kasapi ng akademya, private sector, at ahensya ng gobyerno.
Sa panayam na naglalayong pahalagahan ang gender inclusivity in urban mobility, binigyang diin ni FR Gadong na hindi lamang behavioral issues ang dapat tutukan upang malutas ang lumalalang problema ng urban mobility. Ayon sa kanyang pananaliksik ay karamihan sa mga kalsada ng Pilipinas ay dinisenyo para sa “solo, able-bodied, male commuter.” Dahil dito, naisasantabi ang mga pangangailangan ng mga kababaihan, matatanda, queer people, iyong may mga mobility issues, at ang mga bumibyahe na may kasamang bata o mabibigat na dala.
Iminungkahi ni FR Gadong na dapat mas maging inclusive at participatory ang pagpaplano, mas maging konektado, mailaw, at malawak ang mga sidewalk at bike lanes, at lalo pang palawakin at palalimin ang pagtuturo tungkol sa road hierarchy na nagsasabing, “Those who have more power on the road have more responsibilities.” Ibig sabihin ay mas dapat nabibigyang prayoridad sa kalsada ang mga pedestrian, bike user, at iba pang bulnerableng sektor.
Bago pa man naging UP Faculty Regent ay aktibo si FR Gadong sa mga usapin ng active mobility at road safety. Naging editor siya ng Ilongga Bicycle Diaries, antolohiya ng mga sanaysay ng 19 babaeng siklista sa Iloilo. Isa rin siya sa mga masugid na tagapagtaguyod ng mga women’s bike rides sa lungsod.
Kabilang sa mga tagapagsalita ang mga kinatawan ng Move as One Coalition, PhilCycling, Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), LGU ng Quezon City, Pasig City at Iloilo City, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at GOBility Netherlands.
Ang Iloilo Bike Festival ay sponsored ng Iloilo City Government at magtatagal hanggang ika-15 ng Hunyo 2025.